Arise!!!! Ito ang titulo ng concert na pinanood ko kamakailan kasama ang aking kapatid na si Jojie at mga pamangkin na si Jim at Iah. E sino ba naman ang hindi maghahangad na mapanood ang concert ni Garry V., si Mr. Pure Energy? Ito ang bansag ng media sa kanya lalo na pa’t para siyang kiti kiti sa entablado. Talaga namang sulit ang binayad ko dahil nakapag-party kami ng kapatid ko noong nakaraang Agosto 2 sa Mall of Asia. Hindi ko talaga ito pinalagpas kahit maiksi lang ang bakasyon ko sa Pinas – kulang kulang dalawang linggo.
Kay tagal mo nang nawala
Babalik ka rin…. babalik ka rin……
Sa katunayan, di naman talaga ako ganoong katagal nagwala. Este nawala. Nakauwi ako sa Pilipinas noong Hulyo ng nakaraang taon din para bisitahin ang aking nanay. Walumpo’t apat na taon na siya ngayon at malinaw pa ang pag-iisip. Kaya pag may nakalimutan kang gawin at dapat ginawa mo, huwag kang mag-alala at ipapaalala n’ya ito sa iyo hanggang magawa mo. Lab u Nay!!! Balik sa konsiyerto, nang inawit at sinayaw ni Gary at Rico Blanco ang Babalik Ka Rin sa ingay ng mga tambol at makukulay na kasuotan, hindi ko mapigilang maalaala ang aking pinagmulan at aking pinagdaanan upang makabalik muli. Hindi madali. Nagsimula ako sa $7.00 kada ora sa Los Angeles at sumasakay ng bus papunta ng trabaho. Pag nahuli ako sa iskedyul ng bus, tatakbuhin ko na nang 15 minutos papunta sa bus sa susunod na kanto para hindi ma leyt. Pauwi naman minsan naghihintay ako ng 30 minuto hanggang isang oras sa bus stop suot ang winter coat. Ginawa ko ito ng apat na taon simula ng 1995. O kaya maglakad sa snow ng isang oras para makapasok sa trabaho sa ospital, kwento ng kapatid kong nars na si Jojie. Inalay ni Gary ang awit para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW), na tunay na mga bayani ng Pilipinas at ng kanilang mga pamilya.
Hindi ko na alam kung makakaya ko pa
Di bale na lang kaya
Ako pa ba kaya ang nasa puso niya
Di bale na lang kaya
Ngunit mahal ko siya
Di bale na lang
Di bale na lang
Di bale na lang
Ang pag ibig nga naman. Hahamakin ang lahat masunod ka lamang. May mga nagpapakamartir makabuo lamang ng isang matatawag na pamilya. Mayroon namang sinusuyo nang sinusuyo hanggang bumigay na ang sinisinta at natagpuan ng dalawang puso ang tunay na pagmamahal. Mayroon namang hintay nang hintay sa tunay na pagmamahal ngunit sobrang ilap. At mayroon namang nakahabol pa rin kahit huling biyahe na. Dito ako napabilang sa huli. Huli man daw ay magaling naman. Nabiyayaan kami ni Roy ng isang pogi, mabait at matalinong anak. Pero minsan, muntik na akong nagkamali.
Nobenta porshento ng mga kamaganak ko sa LA ay boto sa mamang ito. “Mabait siya.” “American citizen na yata siya.” “Masipag pa.” “Ok na yan.” Buti na lang at nag usisa ako. Nalaman kong for deportation na pala siya! Naku po! Yun palang akala naming Mr. Kupido ay “Di bale na lang kaya.”
Take us out of the dark, My Lord
‘Cause we don’t want to be alone
Take me out of the dark, My Lord
We don’t wanna be there, My Lord
Take Me Out of the Dark ay isa sa mga paborito kong kanta ni Gary V. Madalas ko itong pakinggan habang naghihintay ng bus pauwi ng Long Beach, CA sa bahay ng Nanang Mering at Tatang Natoy. Nagsisimula pa lamang ako noon. Nakakapanibago kasi ang bagong buhay sa isang bagong bansa mula sa pagiging researcher/writer sa PLDT sa Makati nalipat ako sa pagiging secretary, accounting, shipping, and inventory clerk all-in-one sa isang maliit na negosyo sa LA. Namiss ko ang aking pamilya, mga kaibigan, ang prayer group, ang dating kinagawiang buhay. Gusto ko ng pagbabago, pero ayokong mag-isa. Masyadong malungkot. Nakakapanghina. Nakakatakot din minsan kapag naiiisip ko kung ano ang hinaharap. Gaano katagal ang paghihintay sa pinakamimithing green card??? Hanggang sa natagpuan ko ang choir sa Our Lady of Loretto Church sa may N. Union Ave.—sina Sr. Claire, Ana, Cory, Alma, Ena, Bro. Patrick at iba pang mga kwelang, kenkoy na kumakanta at tumutugtog para kay Lord. Sila ang tumulong sa akin makaalis sa dilim. At siyempre, inakay ako sa pagsisilbi ni Lord at ng mahal na Birhen. Nang umalis ako ng choir patungo sa Charlotte, North Carolina upang sumama sa aking kabiyak, naka-recruit ako ng dalawang magagandang puso upang pumalit sa akin sa pagawit —sina Annette at Noel. Sila ang mga kapitbahay ko sa apartment compound namin sa may Burlington Ave. Mahigit 5 taon na silang walang anak noon. Nang nagsimula na sila sa pagsisilbi kay Lord, nabuntis si Annette at nabiyayaan sila ng kambal na babae, si Allyssa at Allysson. Nang nakarating na ako ng North Carolina, doon ko lamang nalaman na ang piyesta pala ng Our Lady of Loretto ay kapareho din ng kaarawan ko, ika-10 ng Disyembre. Kagaya ni Gary V., hindi natin alam ang mangyayari sa susunod na 30 taon ng ating buhay, pero sa pagtingin sa nakaraan nakita namin na nandoon ang Panginoon sa mga suluk at liko likong daan ng ating buhay. Siya ang gumagabay at humahawak sa ating kamay patungo sa liwanag.
For I know the plans I have for you,” declares the LORD, “plans to prosper you and not to harm you, plans to give you hope and a future. (Jeremiah 29:11) Be thankful in all circumstances, for this is God’s will for you who belong to Christ Jesus. (1 Thessalonians 5:18)